161

Oct 25, 2017 @ 16:04

Sekyu nabigo sa pag-ibig, nagbaril

Masusing iniimbestigahan ng mga tauhan ng Criminal Investigation Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang umanoy pagpapatiwakal sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili ng isang guwardiya kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Kinilala ni Police Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng CIDU-QCPD, ang biktima na si Mark Joseph Pia, 23, security guard ng Ultimate Shield Security Agency at nakatira sa No. 065 Lope K. Santos St., San Joaquin, Pasig City.

Si Pia ay namatay noon din sanhi ng tinamong isang tama ng bala ng caliber 9mm pistol sa kaliwang dibdib na tumagos sa likuran.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Ronnie Ereno, ng CIDU, ang insidente ay naganap dakong alas-8:30 ng gabi (Oktubre 24, 2017), sa binabantayan nitong  Ibon Center building na matatagpuan sa No. 114 Timog Ave., Brgy. Sacred Heart ng nasabing lungsod.

Ayon sa pahayag ni Rolando Calvez, kasamahang guwardiya ng biktima, naglalakad umano siya papasok sa gusali upang palitan sa pagdyu-duty si Pia nang makarinig siya ng isang malakas na putok ng baril.

Agad niyang tinungo ang pinagmulan ng putok ng baril at doon ay nakita niya ang biktima na duguang nakahandusay at wala nang buhay. Agad umano niyang inireport ang insidente sa kanilang superior na siya namang nag-report sa pulisya.

Nabatid sa isang mapagkakatiwalaang source na nagpakamatay ang guwardiya dahil sa isang babae subalit hindi na nito idinetalye pa kung ito ay karelasyon o nabigo sa panliligaw ang biktima.

Nasamsam ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng QCPD na pinamumunuan ni P/ Chief Insp. Nelson Sta Maria ang cal. 9mm pistol na may laman na apat na bala at isang basyo na ginamit sa pagpapakamatay ng nasabing guwardiya. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?