81

Dec 26, 2017 @ 17:06
By

Sekyu na ‘trigger happy’ dinakip

Sa rehas na bakal nasadlak ang isang senglot na security guard matapos na arestuhin ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa walang habas na pagpapaputok ng kanyang service na baril sa tapat ng kanyang binabantayang establisimiyento sa Quezon City, kamakalwa ng hapon.

Kinilala ni Supt. Christian dela Cruz, hepe ng QCPD Station 10, ang suspek na si Ricardo Paez, 40-anyos, ng Platernal Security Agency at residente ng Bukid Libis St., Brgy. Malinta, Valenzuela City.

Ayon kay Supt. Dela Cruz, dakong alas-5:30 ng hapon, nagpapatrulya ang kanyang mga tauhan nang makarinig sila ng mga putok ng baril kaya agad nilang inimbestigahan kung saan nanggaling hanggang matunton si Paez sa Supereleven building sa Brgy. Immaculate Concepcion, Quezon City at agad na dinisarmahan ang kanyang kalibre 38 revolver, na may tatlong bala.

Katwiran ni Paez, aksidente lamang umano niyang nakalabit ang gatilyo ng kanyang baril kaya ito pumutok.

Pero napansin ng mga awtoridad na nakainom ng alak si Paez at imposible ang claim nito na ‘accident fire’ ang nangyari kaya ito inaresto. Siya ay nahaharap sa illegal discharge of firearm.

Nagsasagawa na rin ang imbestigasyon ang mga awtoridad kung posibleng may tinamaan ng ligaw na bala sa mga residente kung saan nagpaputok si Paez.

Una dito ay nagbigay ng tagubilin si QCPD Director Chief Supt.Guillermo Eleazar sa kanyang mga tauhan na mahigpit na magbantay sa mga nagpapaputok ng baril upang maiwasan ang pagkakaroon ng biktima ng ligaw na bala, lalo na ngayong magbabagong taon na.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?