By

Sekyu na nawalan ng trabaho nag-amok, tinepok ng katrabaho

Sharing is caring!

Todas ang isang security guard makaraang barilin nang rumesbak at pagsasaksakin ang mga kasamahang guwardiya na umano’y naging dahilan ng pagkawala niya ng trabaho sa RJE Speedguard 82 Security Agency, sa Quezon City nitong Miyerkules ng hapon.

Kinilala ni P/ Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na si Jay Tio, 24-anyos, dating guwardiya ng RJE Speedguard 82 Security and Investigation Agency na matatagpuan sa No. 21 Pag-asa Compound, Katipunan St., Brgy. Old Balara, QC. Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa dibdib.

Sugatan naman ang sinaksak ni Tio na si Cirilo Pilapil, 54, security inspector, at residente ng Block 1, Lot 5, Phase 2, Brgy. Narra, Francisco Homes, San Jose del Monte, Bulacan. Siya ay ginagamot ngayon sa Veterans Memorial Medical Center sanhi ng tinamong dalawang tama ng saksak sa tiyan.

Tumakas naman ang bumaril kay Tio na nakilalang si Mark Estanislao, 31, staff ng security agency, at naninirahan sa No. 21 Pag-asa Compound, Katipunan St., Brgy. Old Balara ng nasabing lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Elario Manawan ng CIDU-QCPD, dakong alas-3:30 ng hapon nitong Miyerkules ay dumating sa tanggapan ng RJE Speedguard 82 Security Agency si Tio na nakasuot pa ng sunglasses at tila astig, amoy alak at hinahanap ang kasamahang guwardiya na nakilalang si Lorenzo Magsipoc.

Una nitong nadatnan ang kasamahang guwardiya na nakilalang si Allan Segovia, inakbayan ni Tio at hinanap si Magsipoc.

“Nasaan si Magsipoc? Ituro mo sa akin si Magsipoc para hindi ka madamay!” banta ni Tio kay Segovia.

Hinihinalang si Magsipoc umano ang dahilan kung bakit inilagay sa ‘floating status’ si Tio.

Matapos ay nagtungo umano si Tio sa payroll area at sinipa ang pintuan at nang makita si Pilapil ay agad niya itong sinaksak ng dalawang beses.

Nang duguang bumagsak si Pilapil ay ang isa pa nitong kasamahan na nakilalang si Rolando Segaya ang sasaksakin sana nito subalit agad siyang binaril ng dalawang beses ni Estanislao.

Nabatid na nagbitiw sa trabaho si Tio na dating nakatalaga sa Liberty Hotel na matatagpuan sa Kalayaan St., sa Quezon City, noong Setyembre 10, 2017 matapos na ilagay sa ‘floating status’ ng mga nangangasiwa sa security agency dahil sa reklamo umano ng kanilang kliyente.

Idinadahilan din ng security agency ang pagtanggi ni Tio na sumailalim sa mandatory drug testing na isinasagawa ng kanilang ahensiya. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?