76

Dec 20, 2017 @ 16:51
By

Sekyu na nanuntok ng kasamang guwardiya, tinodas

Binaril at napatay ng isang security guard ang kanyang kasamahang guwardiya matapos na manuntok ng isa pang sekyu nitong Martes ng umaga sa Quezon City.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na si Jonas Sabellina, 41-anyos, binata, security guard ng Nilgen Security Agency at stay-in sa kanyang pinagtatrabahuhan sa No. 8990 Deca Homes, Payatas Road, Brgy. Commonwealth ng nasabing lungsod.

Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong tama ng bala ng cal. 9mm armscor sa katawan. Tumakas naman ang security guard na si Marjon Cantila, 25-anyos, stay-in rin sa Deca Homes, matapos na makitang duguang bumulagta ang kasamahang guwardiya na kanyang binaril.

Sa inisyal na report ni PO3 Alvin Quisumbing, ng CIDU-QCPD, dakong alas-9: 30 ng Martes ng umaga, pinuntahan umano ng biktima ang isa pang kasamahang guwardiya na nakilalang si Lenell Dexter Mijos na naka-duty sa entrance gate ng Deca Homes at bigla na lamang sinuntok sa mukha ang huli.

Nagulat si Mijos at napatakbo sa kinaroroonan ni Cantila upang magpasaklolo subalit hinabol pa rin siya ng biktima.

Upang maawat si Sabellina ay nag-warning shot ang suspek subalit sa halip na magpapigil ay muling uundayan ng suntok ng biktima si Mijos, dahilan upang pagbabarilin siya ni Cantila at napatay. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?