111

Jan 2, 2018 @ 11:34
By

Seguridad sa pista ng Itim na Nazareno, inilatag na ng MPD

Inilatag na ng Manila Police District (MPD) ang seguridad na ipatutupad para sa Pista ng Poong Itim na Nazareno sa Enero 9.

Ayon kay Supt. Erwin Margarejo, tagapagsalita ng MPD, 5,000 pulis mula sa MPD ang kanilang ipakakalat sa Traslacion 2018.

Makakatuwang pa umano nila ang karagdagang 1,500 na pulis na magmumula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at sa iba pang rehiyon para matiyak ang kaligtasan sa kabuuan ng kapistahan.

Si NCRPO Chief, Director Oscar Albayalde ang tumatayong commander ng Task Group Nazareno, habang si MPD Director, Chief Supt. Joel Coronel ang magsisilbi namang ground commander.

Sinabi ni Margarejo na bumuo rin ang MPD ng tatlong sub-task group at ito ay ang Security Task Group na pinamumunuan ni Senior Supt. Ariel Arcinas; Peace and Order Task Group na pinamumunuan ni Sr. Supt. Christopher Tambungan at Emergency and Preparedness Task Group na pinamumunuan ni Manila Disaster Risk Reduction and Management Office Director Johnny Yu.

Kasama sa tututukan ng tatlong sub-task group ang Plaza Miranda, Quirino Grandstand at ang ruta ng prusisyon; gayundin ang daloy ng traffic, anti-criminality, public order, pagtiyak sa seguridad ng transportasyon, komunikasyon, power system at mga mahahalagang imprastraktura.

Ang sub-task group din ang mangangasiwa sa lahat ng mga emergency response team na ilalatag sa lahat ng mga lugar at ruta ng traslacion.

Noong nakalipas na taon, umabot sa 15 milyon ang mga debotong nakiisa sa mismong araw ng traslacion at inaasahan nilang ngayong taong ito ay madadagdagan ng isa hanggang tatlong milyon ang mga dadagsang deboto sa araw ng pista. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?