18

Oct 21, 2020 @ 22:44
By

Seguridad sa PH higpitan para mapigilan ‘soft invasion’ ng China – Pangilinan

Hinikayat ni Senador Francis Pangilinan ang gobyerno na imbestigahan at higpitan ang security measure laban sa tinawag nitong “soft invasion” ng mga Chinese sa bansa.

Ginawa ni Pangilinan ang panawagan sa Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos maalarma sa bilang ng mga Chinese na dumating sa bansa sapul pa noong 2017.

“We call on the DND and the AFP to look into the national security implications of what appears to be a ‘soft invasion’ by a foreign power in our shores,” pahayag ni Pangilinan sa isang statement.

Una rito, inihayag ni Senadora Risa Hontiveros na umabot na sa halos 3.8 milyong Chinese ang pumasok sa bansa sa pamamagitan ng tinatawag na “pastillas” scheme.

Sa ilalim ng raket na ito, ang mga Chinese ay nagbabayad ng P10,000 kada isa para makakuha ng “VIP treatment” mula sa kawani ng immigration para sa mabilis nilang pagpasok sa bansa na hindi na kailangan ng sapat na dokumento.

“Where are these 4 million? Are they still here? If they are here illegally, is there an organized effort to trace them and have them deported?” tanong ni Pangilinan.

“Also, are there efforts to track the whereabouts and the movements of these foreigners? In the light of the West Philippine Sea conflict, the surreptitious entry of 4 million Chinese nationals is no laughing matter,” dagdag pa nito.

Nagbigay pa ng ilang solusyon ang senador para mapalakas ang national security laban sa pagdagsa ng iligal na pagpasok ng mga Chinese at iba pang mga dayuhan sa bansa.

Kailangan aniyang magbuo ang Department of Justice ng inter-agency task force na binubuo ng DND, NBI, PNP, BI at National Intelligence Coordinating Agency para maputol na ang illegal entry ng mga dayuhang ito.

Dapat din umanong magkaroon ng mahigpit na polisya sa pagdating ng mga Chinese national at iba pang mga dayuhan sa mga paliparan.

“Ensure that the BI (Bureau of Immigration) officials behind the ‘pastillas’ scam be made liable for their actions. It will serve as a warning and a precedent against officials still thinking of taking bribes,” ayon pa kay Pangilinan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?