18

By

Security guard sugatan nang saksakin ng empleyado

Sharing is caring!

Sugatan ang security guard ng isang kompanya matapos na pagsasaksakin ng isang empleyado sa kanyang pinagtatrabahuhang kompanya nang sinita niya ito dahil sa hindi pagsusuot ng uniporme sa Lungsod ng Malabon kaninang umaga.

Sa ulat ng Malabon City Police-Homicide Unit ay ganap umanong alas-6:55 nang umaga nang maganap ang insidente sa loob ng Joven Industrial Inc. na matatagpuan sa A. Bonifacio Street, Brgy. Tugatog ng nasabing lungsod.

Bago iyon ay papasok na sana noon ng trabaho ang suspek na si Bernie Dalanan, 28-anyos, binata, assembler ng nasabing kompanya nang harangin siya ng biktimang si Gabiola Nasario, 48-anyos, security guard ng Bravo Prime Movers Security Services at sitahin dahil sa hindi nito pagsusuot ng uniporme.

Nangatwiran naman ang suspek na marami rin naman umano ang hindi nakaunipormeng pumasok ngunit bakit siya lang ang sinita nito, pinagbintangan niya rin ang guwardiya na namimili ng sisitahin, humupa naman ang sigalot nang maawat ang suspek sa pagsagot-sagot nito sa biktima hanggang sa tuluyan nang umalis.

Ilang saglit lang ay bumalik din ang suspek at pinuntahan sa entrance gate ng kanyang pinagtatrabahuhan ang biktima saka walang ano-anong inundayan ito nang sunod-sunod na saksak na mabuti na lamang at nasalag ng biktima at puro sa braso niya tumama.

Agad namang nakaresponde ang mga tauhan ng Malabon City Police Community Precinct IV at naaresto ang suspek habang mabilis ding nadala sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima at matapos na malapatan ng lunas ang mga sugat na tinamo ay agad ding nakauwi.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na rin naman ng Malabon City detention facility ang suspek na nahaharap sa kasong attempted murder.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?