164
motor-accident
Sep 4, 2019 @ 16:44
By

Security guard dedbol sa SUV

Patay ang isang security guard nang salpukin ng rumaragasang sasakyan at tumilapon ng may ilang metro sa Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ni PSSgt. Enrico Viterbo ng Traffic Sector 5 ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit ang biktimang si Mungkal Betinol Jayson, 35, security guard at nakatira sa Taraville Sta. Lucia, Novaliches.

Naisugod pa siya sa East Avenue Medical Center subalit idineklarang dead on arrival dahil sa grabeng pagkabagok ng ulo at bali sa katawan.

Lumitaw sa imbestigasyon, alas-11:00 ng umaga (Setyembre 4) nang maganap ang aksidente sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa nasabing lungsod.

Galing sa Philcoa patungo sa Fairview ang minamanehong Suzuki Motorcycle (NC-44082) ng sekyu at habang tinatahak ang kahabaan ng Commonwealth Ave., pagsapit sa tapat ng Diliman Preparatory School sa may U-turn, Brgy. Old Balara, ay bigla na lamang sumulpot ang rumagasang puting SUV (UTF-404) at sinalpok ang motorsiklo ng biktima.

Sa halip na hintuan ay mabilis na humarurot patakas ang SUV at iniwang nakabulagta ang biktima pero naplakahan ang sasakyan nito ng ilang nakasaksi na residente sa Brgy. Old Balara.

Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang tumakas na driver ng SUV at inaalam na rin sa Land Transportation Office kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing plaka.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?