34

Dec 12, 2017 @ 12:57
By

Security briefing sa martial law, nagpapatuloy sa Senado

Ipinapaliwanag ngayon sa mga senador ng mga miyembro ng gabinete at mga opisyal ng militar at pulisya kung bakit kailangang palawigin ng isang taon pa ang umiiral na martial law at suspensyon ng privilege of the writ of habeas corpus.

Nasa Senado sina Executive Secretary Salvador Medialdea, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Defense Secretary Delfin Lorenzana, AFP Chief of Staff Rey Guerrero, DILG OIC Catalino Cuy, DILG Undersecretary Eduardo Ano at ilang opisyal ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.

Nasa closed-door security briefing sila sa executive lounge.

Sa sulat ni Pangulong Duterte sa Senado at Kamara, sinabing kailangan ang martial law extension para sa nagpapatuloy na rebelyon sa Mindanao at upang maagapan iyong kumalat sa ibang bahagi ng bansa.

Sinabi ring may nagpapatuloy na security threats dahil sa mga terorista at rebeldeng komunista.

Mayo 23 idineklara ang martial law sa mindanao kasunod ng paglusob ng grupong Maute at Abu Sayaff Group sa Marawi City.

Pinalawig iyon ng Konggreso noong Hulyo 23 hanggang Disyembre 31, 2017.

Nais itong palawigin hanggang Disyembre 31, 2018.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?