102

Dec 30, 2019 @ 14:06
By

SEC sa mga Yanson: Respeto naman

Pinuna ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang paggamit sa pangalan nito ng dalawang faction na nag-aagawan sa Vallacar Transit ng mga Yanson ng Visayas at pagkalat ng kasinungalingan para manlinlang ng mga investor, pasahero, at merkado.

Hati sa dalawa ang mga Yanson: ang isa ay binubuo ng magkakapatid na sina Roy, Emily, Ricardo Jr., at Mar. Lourdes Celina Yanson-Lopez; nasa kabilang panig naman ang kanilang ina na si Olivia Yanson at mga kapatid na si Leo Rey Yanson at Ginette Yanson-Dumancas na represented ng Madrid Danao & Associates na law firm.

“Both parties must give the appropriate respect to the Commission, the primary registrar and overseer of corporations like Vallacar Transit,” sabi ng SEC, Disyembre 30.

Nang nagpunta kasi ang SEC Bacolod Extension Office sa stockholders meeting na inorganisa ng apat na magkakapatid nung December 7, 2019 bilang observer, pinalabas ng mga ito na sila ang kinikilala ng komisyon na tunay na may-ari ng Vallacar Transit na kinagalit ng kampo ng kanilang ina.

Nagpaliwanag tuloy ang SEC na ang pagpunta nito sa stockholders’ meeting na iyon ay hindi pagkilala sa apat bilang tunay na may-ari, ngunit hindi rin pagtanggi.

Pinalabas naman ng kampo ni Olivia Yanson, ng ina, na tinatanggi na ang apat bilang tunay na may-ari ng Vallacar Transit. Sabi ng SEC, may pinakalat pa diumano Si Leo Rey Yanson na kakampi ng kanilang ina ang ilang bahagi ng sulat ng SEC sa kanila.

Sabi ng SEC, malinaw sa komisyon na nag-aaway ang dalawang kampo at nasa Regional Trial Court ng Bacolod at Court of Appeals pa ang away nito kaya’t walang gagawing aksyon ang komisyon hangga’t hindi pa natatapos ang mga reklamo sa korte pagdating sa pagkilala ng kung sino ang tunay na may-ari.

Nagbabala ang SEC sa dalawang kampo na tantanan na ang paggamit ng pangalan ng komisyon para manlito ng mga tao dahil hindi nito palalampasin ang pagkalat ng kasinungalingan.

“The Commission will not tolerate misinformation and disinformation, knowing that these will negatively impact not only the warring factions but also the investors, the consumers and the overall market,” sabi ng SEC.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?