75

Dec 17, 2019 @ 15:42
By

SEC nasilip ang Jethclick, Jethrho sa illegal investment

Inaawat ng Securities and Exchange Commission ang publiko sa pagi-invest sa Jethclick o Jethrho na kapwa walang lisensiya mula sa komisyon para mag-solicit ng mga investment.

Ayon sa SEC, nakatanggap ito ng mga ulat tungko sa activities ng Jethclick, Jethclick International, Jethclick by Jethrho, at Jetrho Corp. na nangeengganyo sa mga taong mag-invest.

Sabi ng SEC, nakalagay sa social media post ng Jetrhro na pinatatakbo ng isang Jethro John G. Reyes na lehitimo ang negosyo nito at sumunod sa lahat ng ligalidad.

Nililinaw ng SEC na ang certificate of incorporation ay ligal na pagbubuo lamang ng kompanya ngunit hindi ibig sabihin nito ay maari na itong magbenta ng investment na hiwalay pa na lisensiya.

Ayon sa SEC, hindi makatotohanan ang nakalagay sa website ng Jethro Import and Export Corp. na 1992 pa ito tinayo at distributor ito ng Westinghouse na mga appliance na nagtayo din ito ng water technology division para sa pag-import ng water treatment equipment.

Sabi ng SEC, hindi rin totoo ang nakalagay sa website ng Jethrocorp.com o Jetrhro Corp. na 2007 pa ito tinayo para gumawa ng packaging products tulad ng soft drink cups, food boxes, snack bowls, chopsticks at iba pa.

Sabi ng SEC, ang mga binibida ng Jethrocorp o Jetrhro ay taliwas sa nakalagay sa certificate of incorporation nito na inisyu nung July 29, 2019 na ang pangunahing negosyo nito ay ang direct selling ng beauty parlor supplies at equipment.

Ayon sa impormasyong nakalap ng SEC, ang mga sumasali ay pinarerehistro ng account at pinapaactivate ito sa pamamagitan ng pagbili ng isang 7-in-1 na whitening soap na nagkakahalagang P1,000 na pagkakakitaan dapat ng P1,500. Ang mga produkto ay makukuha sa tanggapan nito o maari ding ipa-deliver basta magbayad ng shipping fee. Kikita ng karagdagang P100 sa bawat direct referral o isang taong mare-recruit at may P100 na dagdag na pairing bonus. Kikita din ng P1,500 sa pamamagitan ng pag-click sa mga ads araw-araw at kikita ng piso sa bawat ad.

May mga passive income pang pinapangako tulad ng Casio Watch sa bawat 100 na pairing, Huawei Y6 mobile phone sa bawat 200 na pairing at iPad sa bawat 500 na pairing. Meron pang gaming laptop, iPhone XI, at Ford Mustang na inaalok depende sa dami ng pairing.

Babala ng SEC, ang sinumang magaahente para sa Jetrhro o Jethro ay maaring kasuhan ng kriminal na ang kaparusahan ay 21 taong pagkakakulong o multang P5 milyon o pareho.

Nanawagan ang SEC sa sinumang may impormasyon tungkol sa Jethclick, Jethrho o Jetrhro na makipag-ugnayan sa Enforcement and Investor Protection department nito sa telepono bilang 02-8818-6047 o mag-email sa epd@sec.gov.ph.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?