732

Aug 29, 2019 @ 20:14
By

SEC nagbabala vs pag-i-invest sa panabong na manok

Pinayuhan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang publiko laban sa pamumuhunan sa Brix Gamefowl Breeding/Brix Ventures Incorporated/AB Eugenio Trading.

Ayon sa SEC, ineengganyo ng Brix Gamefowl Breeding/Brix Ventures Inc./AB Eugenio Trading ang mga tao na mag-invest ng P998 para sa dalawang texas na manok at sinasabihan silang kikita ng P3,000 sa loob lamang ng 90 araw.

Para sa maglalagak naman ng P5,000, ang pera nila ay mapupunta sa 10 sisiw ng texas na manok at kikita sila ng P15,000 sa loob ng 90 na araw, o P35,000 sa loob ng 180 na araw at P100,000 sa loob ng 360 na araw.

Ayon sa SEC, rehistrado ang Brix Ventures Incorporated sa kanila bilang corporation pero wala itong lisensiya para mag-alok o magbenta ng investment sa publiko.

Ang AB Eugenio Trading naman ay rehistrado sa Department of Trade and Industry sa pangalan ng isang Allan Brix Cabral Eugenio at wala rin itong lisensiya sa SEC para magbenta ng investment.

Babala ng SEC sa sinumang nag-aahente para sa Brix Gamefowl Breeding/Brix Ventures Incorporated/AB Eugenio Trading, haharap sila sa kasong kriminal na ang parusa ay multang aabot ng P5 milyon o 21 taong pagkakakulong o pareho.

Sa sinumang may impormasyon sa Brix, nanawagan ang SEC na tawagan ang Enforcement and Investor Protection Department nito sa (02) 818-6047.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?