122

Nov 10, 2019 @ 18:27
By

SEC nagbabala vs Mybitclaim Trading

Nagbabala ang Securities and Exchange Commission laban sa Mybitclaim Trading Corp. na nagso-solicit ng mga investment sa publiko ng walang kinauukulang lisensiya.

Ayon sa SEC, August 9, 2019 lamang nagparehistro ang Mybitclaim sa komisyon at ang layunin nito ay ang trading ng mga baboy at manok at mga serbisyong may kinalaman dito.

Pinapangakuan ng Mybitclaim ang mga nauuto nitong mag-invest ng P1,000 na kikita sila ng P4,000 sa loob ng isang buwan.

Ang netong makukuha nila ay P3,600 dahil babawasan pa daw ng 10% na safety net deduction.

Sabi ng SEC, online o sa internet hinihikayat ng Mybitclaim ang mga tao para sa Buy & Earn X4 Program With Products nito na nangangako ng payout sa loob lamang ng 30 araw.

Sabi ng SEC, walang lisensiya ang Mybitclaim na mag-alok, magbenta at mag-solicit ng anumang klaseng investment sa publiko.

Dagdag pa ng SEC, ang sinumang nagaahente o nagbebenta ng investment para sa Mybitclaim ay haharap ng kasong criminal na ang kaparusahan ay multang P5 milyon o pagkakakulong na 21 taon o pareho.

Pinayuhan ng SEC ang mga tao na huwag nang maglagay ng pera sa Mybitclaim at nanawagan ito sa sinumang may impormasyon tungkol ditto o sa mga representante nito na sumangguni sa Enforcement and Investor Protection Department ng SEC sa telepono 02-8818-6047.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?