389

Nov 17, 2019 @ 18:36
By

SEC nagbabala sa 4 grupo ng investment scam

Nagbababala ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa apat na grupong nangangalap ng investments sa publiko nang walang kinaukulang lisensiya at maaring ikalugi ng maglalagay ng kanilang mga ipon dito.

Nagbabala ang SEC laban sa: 1. Give and Share E-Commerce Solutions Inc./Gase E-Commerce Solutions Inc.; 2. Financing International Casino, Casino VIP Financing by Cathlyne Papasin at Fortune Dragon Casino Financing; 3. Coindeoro Holdings Inc./Coin de Oro; at 4. Payasian Solutions Pte. Limited/Payasian PTE Limited Corp.

Inaalok ng Give And Share E-Commerce o GAS E-Commerce Solutions ang mga taong pumasok sa online business na ang capital ay P1,800 para sa membership fee. Katumbas daw ito ng 72 gas points na maaring gamiting pambili ng e-books, auto books, training courses at iba pang downloadable content na maaring ibenta pagkatapos ng 30 araw sa halagang P2,300. Ineengganyo rin ang mga member/investor na i-promote ang mga e-loading service, airline ticketing, at hotel booking service nito. Sa kapital na P5,000, may kasama pang ibang mga produkto tulad ng collagen serum, mud mask, body butter at glycerin soap at pinangangakuan ang investor na kikita sila ng P9,000.

Sabi ng SEC, March 27, 2019 lamang nagrehistro ang Give and Share E-Commerce Solutions ngunit wala itong lisensiya para mag-alok o magbenta ng mga investment.

Ang alok naman ng Financing International Casino o Casino VIP Financing/Fortune Dragon Casino Financing ay interes na 5 hanggang 7% kada buwan sa minimum investment na P100,000 na may lock-in period na 12 buwan. Sabi ng SEC, hindi rehistrado ang Financing International Casino, Casino Financing o Fortune Dragon Casino Financing sa komisyon at wala rin itong lisensiya para mag-alok ng investment.

Cryptocurrency naman kuno ang gimmick ng Coin de Oro na nangangako ng 5% na kita sa investment ng mga direct referral nito at 1% na kita sa mga indirect referral nito. May inaalok pa itong 50% na kita sa iinvest ng mga direct referral nito sa Coin De Oro cryptocurrency.

Rehistrado ang Coin de Oro sa SEC ngunit wala itong lisensiya magbenta o mag-solicit ng investment. Dagdag pa ng SEC, pyramiding o ponzi scheme ang nangyayari dito dahil ang kita ng mga investor ay kinukuha lamang sa mga mare-recruit pa nilang tao.

Rehistrado naman ang Payasian Pte Ltd Corp. sa SEC ngunit wala itong lisensiya para magbenta ng investments. Cryptocurrency din ang gimik nito na tinatawag naman nitong Paya coins. Nangangako ito ng 30% na kita sa buy, hold and earn option nito kung bibilhin nila ang Paya coins at hahawakan lang ng anim na buwan nang walang ginagawa. Maari ding kumita sa pamamagitan ng pagrerecruit ng iba pang investors.

Babala ng SEC, ang sinumang magaahente o magso-solicit ng investments para sa apat na kompanya ay mapagmumulta nang hanggang P5 milyon, makukulong ng hanggang 21 na taon o pareho.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?