892

Nov 5, 2019 @ 12:48
By

SEC nagbabala kontra 2 finance company

Nagbabala ang Securities and Exchange Commission laban sa pag-iinvest sa Lion City Finance Group Inc. at sa Max4Unlimited Co.

Ayon sa SEC, nagrehistro ang Lion City para maging finance company ngunit wala naman itong lisensiya para mag-solicit ng investment sa publiko.

Nakatanggap ang SEC ng impormasyon na nag-aalok ng passive income na katumbas ng 10-percent kada buwan ang Lion City na may kasama pang notarized memorandum of agreement at investment contract at post-dated na mga tseke.

Gagamitin daw ng Lion City ang investment sa real estate, foreign exchange, casino financing, buy and sell ng mga kotse, mga gawaing hindi kasama sa idineklarang purpose ng Lion City ng nagrehistro ito.

Pinag-iingat ng SEC ang publiko na mag-ingat sa sinumang nag-aalok ng investment para sa Lion City na pumoprontang financing company.

Rehistrado din ang Max4Unlimited Co. at Max4 Unli Corp. sa SEC ngunit ang rehistrasyon ng mga ito ay para sa trading at wala itong mga lisensiya para magbenta ng investment. Ayon sa SEC, nasa 50-percent ang interes na inaalok ng Max4Unlimited at Max4 Unli sa loob lamang ng anim na buwan.

Paalala ng SEC sa publiko, ang sinumang nag-aahente para sa Lion City, Max4Unlimted at Max4 Unli ay maaring multahan ng P5 milyon o ikulong ng 21 taon o pareho.

Ang sinumang may impormasyon tungkol sa mga ito ay maaring tumawag sa 02-8818-6047 o magpunta sa Enforcement and Investor Protection Department sa tanggapan ng SEC sa PICC sa Pasay City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?