75

Oct 24, 2017 @ 16:31

Sec. Lorenzana sapat nang “rehab czar” sa Marawi – Honasan

Hindi na kailangang maghanap pa ng iba dahil sapat na umano si Defense Secretary Delfin Lorenzana para manguna sa rehabilitasyon ng Marawi City.

Sinabi ni Senador Gregorio Honasan na taglay na ni Lorenzana ang kakayanan at sinseridad pati na ang kapangyarihan upang mapag-isa ang kilos ng mga ahensya ng gobyerno para sa pagbabangon ng syudad mula sa digmaan.

Si Lorenzana ang itinalaga ni Pangulong Duterte na “administrator” ng Martial Law sa Marawi at buong Mindanao.

Siya rin ang awtomatikong chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Dahil dito, nasa poder na ni Lorenzana ang pagsiguro ng kapayapaan at kaayusan at ang pagsiguro na kumikilos ang mga ahensya ng gobyerno para maitaguyod muli ang mga bahay, tulay, paaralan, opisina ng gobyerno at iba pang kailangan ng mga taga Marawi.

Una rito, ilan ang nagmungkahi na magtalaga ng rehabilitation czar para sa Marawi tulad ng pagtatalaga kay Senador Panfilo Lacson bilang Yolanda rehabilitation czar.

“Bakit dadagdagan pa ang layer ng burukrasya gayung nariyan na ang maaring kumilos?,” ani Honasan. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?