91

Jun 27, 2019 @ 14:57
By

Seaman party-list rep, kinuwestiyon sa pagiging Amerikano

Namemeligrong hindi makaupo bilang kinatawan ng party-list ng mga marino o seaman si Jose Antonio G. Lopez makaraang kuwestiyunin sa Commission on Elections (Comelec) ang kanyang pagiging American citizen.

Sa kanyang 21-pahinang petisyon, sinabi ni Ruther Navera Flores, residente ng Pasig City, na hindi karapat-dapat na maging pangalawang kinatawan si Lopez ng Marino, Samahan ng mga Seaman Inc. Party-list ayon sa sinasaad sa Section 68 ng Omnibus Election Code at Section 9 ng Republic Act No. 7941 o ang Party-list System Act.

Sinasabi sa batas na sinumang immigrant o permanenteng residente sa ibang bansa ay hindi kuwalipikado na tumakbo o maging kandidato sa anumang posisyon sa gobyerno lalo na kung hindi niya iniurong o tinalikuran ang kanyang foreign citizenship.

Ayon kay Flores, walang ginawang legal na hakbang si Lopez upang i-waive ang kanyang American citizenship bago ito kumandidato nitong nakaraang May 13 polls kung kaya’t siya ay hindi karapat-dapat maging miyembro ng Mababang Kapulungan.

Malinaw na pinalsipika ni Lopez ang mga dokumento upang lumabas na siya ay naging kuwalipikadong kandidato o second nominee ng Marino party-list, ani Flores.

Mariing hiniling nito sa Comelec ang agarang pagresolba sa kanyang petisyon bago pa man pormal na magbukas ang 18th Congress sa susunod na buwan at maiwasan ang iligal na paggamit ng pondo ng bayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?