99

Nov 13, 2019 @ 14:24

Sea travel sa Quezon kanselado dahil kay ‘Ramon’

Kinansela ng lokal na gobyerno ng Quezon province ang lahat ng mga sea trip sa lahat ng munisipalidad nito bilang pag-iingat sa banta ng bagyong Ramon.

Inutusang manatili ng lahat ng mga passenger vessels na papunta at paalis ng mga daungan sa Atimonan, Gumaca, at Real.

Pitong lugar ang may Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 matapos maging tropical storm ng noo’y Tropical Depression Ramon ngayong Miyerkoles.

Ayon sa PAGASA, ang mga lugar na nakapaloob sa TCWS No.1 ang Eastern Samar, Northern Samar, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, at Sorsogon.

Natagpuan ngayong alas-10:00 ng umaga si Ramon sa 385 kilomtero east-northeast ng Borongan City, na may maximum sustained winds na 65 kilometers per hour (kph) at pagbugso na hanggang 80 kph at bumabagtas sa direksiyon na west northwest sa 20 kph.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?