93

Dec 10, 2019 @ 15:04
By

SEA Games: Team Sibol ginapi ang Thailand sa Dota 2

Sumungkit ng gintong medalya ang Philippine Sibol matapos talunin ang Thailand sa best-of-five series gold medal match ng 30th SEA Games Dota 2 tournament, Lunes ng gabi sa Filoil Flying V Centre.

Bukod sa gintong medalya ay nag-uwi rin ito ng makasaysayang panalo dahil ito ang pinakaunang Dota 2 tournament na ginanap sa biennial meet.

Unang salang pa lamang sa Game 1 ay dinomina na ng Sibol ang Thailand matapos pangunahan ni Mc Nicholson ‘Mac’ Villanueva ang laro gamit ang hero na si ‘Lanaya’ nang durugin ang kalaban.

Ngunit hindi naman nagpahuli ang Thailand nang bumawi ito sa Game 2 matapos talunin ang Sibol mula sa pinakitang bagsik ng isang Thailand player gamit ang hero na si ‘Faceless Void’.

Agad namang bumawi ang Pilipinas sa Game 3 ngunit pagsapit ng Game 4 ay rumesbak din ang Thailand upang pahabain pa ang serye sa Game 5 do-or-die finals.

Pagsapit ng final game ay dehado ang Pilipinas matapos magpakita ng pagdomina ang Thailand ngunit nag-iba ang ihip ng hangin matapos buhatin ni John Anthony ‘Natsumi’ Vargas ang koponan gamit ang hero niya na si ‘Phantom Lancer’ na nagpataon sa Thailand at sungkitin ang gintong medalya.

Kinabibilangan ang Team Sibol nina Mc Nicholson ‘Mac’ Villanueva, John Anthony ‘Natsumi’ Vargas, Jun ‘Bok’ Kanehara, Bryle Jacob ‘CML’ Alvizo, Van Jerico ‘Van’ Manalaysay at James Erice ‘Erice’ Guerra.

Nagkasya ang Thailand sa silver medal habang bronze naman ang naibulsa ng Vietnam.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?