117

Nov 3, 2017 @ 16:12

Score ng MCC sa kampanya vs korapsiyon, inalmahan ng Palasyo

Pinalagan ng Malacanang ang inilabas na scorecard ng Millenium Challenge Corporation na nagsasabing bigo ang Pilipinas na mahadlangan ang korapsiyon.

Sa inilabas na pahayag ni acting Presidential Spokesman Harry Roque, hindi isinama ng MCC ang mga ipinatupad na reporma ng Duterte administration partikular ang paghabol sa mga malalaking kumpanyang hindi nagbabayad ng buwis tulad ng Philippine airlines at nandadaya ng obligasyon sa gobyerno tulad ng Mighty King Corporation.

Ayon kay Roque, ibinase lamang ng MCC ang kanilang scorecard noong 2014,2015 at 2016, at hindi pinagtuunan ng pansin ang ginawang pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang mga opisyal ng gobyerno na kahit kaibigan ay hindi pinatawad matapos mahigingan na may ginawang irregularidad.

Seryoso aniya ang Pangulo sa paglaban sa katiwalian at katunayan ay nagtatag pa ito ng hotline 8888 at 911 para tanggapin ang mga reklamo laban sa mga nagtatrabaho sa gobyerno.

Personal aniyang binabasa ni Pangulong Duterte ang mga reklamo mula sa 8888 at agad inaaksiyunan ito kapag may mga opisyal at kawani ng gobyerno na dapat kalusin sa puwesto.

“We have to understand that for this year’s Scorecard, the ratings in the various indicators were based on their methodologies in 2014, 2015 and 2016. The findings, therefore, may not completely reflect the reform initiatives of the Duterte administration in the area of fighting corruption and good governance,” pahayag ni Roque

“The President has fired government officials from their posts, including those who were perceived to be close to him, due to reports of corruption,” dagdag pa nito.

Umaasa si Roque na sana ay makita ng MCC kung gaano kaseryoso ang pamahalaan sa kampanya kontra katiwalian sa bansa. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?