64

Nov 29, 2019 @ 15:20
By

SBMA, 3 puno lang ang ipinaputol sa Subic

Nilinaw ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na walang sinirang kagubatan sa West Ilanin Protected Area para bigyang-daan ang konstruksyon ng isang shooting range para sa 30th Southeast Asian Games.

“That is a very irresponsible assertion that makes a mockery of truth as we know it,” pahayag ni SBMA Ecology Center manager Amethya dela Llana, na nauna nang binigyang-linaw sa media ang kontrobersiyal na proyekto.

Paliwanag niya, tatlong puno lang ang inirekomenda nilang putulin sa 25 na apektadong puno na ang iba ay “for trimming”.

Pinayagan umano niya at ng kanyang opisina ang pagpuputol ng tatlong puno ng gubas (Endospermum peltatum) species na nakitang nakahilig na sa kalsada.

“Also we have pointed out the fact that while the construction project is within the West Ilanin Forest, which is a protected area, the location is already built-up, which means it has been previously developed and therefore no longer classified as a forest,” paliwanag pa niya.

Sa inilabas na statement noong Huwebes ni Dela Llana, sinabi niyang ang konstruksyon ng isang shotgun shooting range ay nasa dating Explosive Ordnance Disposal area sa ex-Naval Magazine sa Subic Bay Freeport.

Nagamit na umano ito ng US Navy kasama ang kalapit na ammunition pier sa Camayan Point, na siya ngayong Ocean Adventure Marine Park.

Nasa ilalim na ang proyekto ng isang private contractor na CFV ARAR Contractors, Phils., Inc., na siyang winning bidder para rito na kinomisyon ng Philippine SEA Games Organizing Committee (Phisgoc).

Pinag-utos ang proyekto para sa SEA Games Clark Cluster pero noong Setyembre 18, 2019, inendorso ito sa Subic Cluster para sa implementasyon.

Sinabi rin ni Dela Llana na nag-isyu ang SBMA Ecology Center ng Notice of Violation sa project contractor noong Nobyembre 22 matapos ang isinagawang on-site inspection noong Nobyembre 21 kung saan lumabas na nagsasagawa ng malawakang clearing at grubbing operations sa lugar sa kabila na wala itong kaukulang environmental permit.

Subalit sinabi ni Dela Llana na nag-request ang contractor ng tree trimming at cutting na pinahintulutan naman noong Nobyembre 25 matapos ang imbentaryo sa mga apektadong puno.

Nagsagawa rin umano ang Ecology Center ng Technical Compliance Conference noong Nobyembre 26 sa mga kinatawan ng project management team para maresolba ang mga isyu tungkol sa permits habang nagtakda rin ng isa pang meeting na naka-schedule matapos ang SEA Games.

Giniit din ni Dela Llana na maaaring managot ang contractor sa mga paglabag.

“It will be compelled by the SBMA to undergo compliance, the same way that Subic Bay Marine Exploratorium, Inc., operator of the Ocean Adventure Marine Park, was held to task by the SBMA when it was found to have ‘deliberately evaded the filing of an application for Environmental Clearance with the SBMA Ecology Department’ while undergoing construction of a swimming pool, sprinkler pool and wading pool in October 2016,” paliwanag niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?