118

Nov 6, 2020 @ 11:35
By

Sayang pera! Manila Bay white sand iimbestigahan ng Senado

Hiniling ni Senador Francis Pangilinan sa Senado na imbestigahan ang posibleng panganib ng Manila Bay Nourishment Project sa kalikasan at kalusugan. Aniya, ang naturang proyekto ay hindi naman kailangan at pagsasayang lang ng pera ng taumbayan.

“Napakaraming ibang dapat gastusan ng pera ng bayan, hindi ang white beach project sa Manila Bay. Lumampas na sa 380,000 ang COVID cases, marami nang dumaan na malalakas na bagyo, pero pinipilit pa rin na tama ito. Ang tanong: Kailangan ba talaga ito?” sabi ni Pangilinan.

Ang proyekto, mas kilala sa tawag na Manila Bay White Sand Beach ay nagkakahalaga ng P389 milyon.

Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 664, pinuna ni Pangilinan ang masamang epekto ng kontroberisyal na Manila Bay project sa kalusugan ng publiko at gayundin sa kalikasan.

“This project is wasteful and unnecessary. Dapat ginamit ang milyon-milyong pondo para i-supplement ang ating pandemic health response, o kaya para sa distance learning gadgets at materials ng mga guro at estudyante,” ani Pangilinan.

“Pwede rin sanang cash aid para sa milyong mga Pilipino na nawalan ng trabaho ngayong pandemya,” dagdag pa nito.

Nakasaad din sa resolusyon na imbestigahan ang posibleng pananagutan ng ilang opisyal ng gobyerno na sangkot sa naturang proyekto sa paglabag nila sa Local Government Code, Philippine Fisheries Code, Wildlife Conservation Act, Environmental Impact Assessment System, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees; at Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

“Hindi lang sa Manila Bay ang problema kundi na rin sa pagmimina ng mga dolomite sa Alcoy, Cebu na posibleng ikinasira ng mga coral reefs at pagkawala ng tirahan ng ilang endangered species. Sa madaling sabi, mas maraming problema pa itong dinala kesa solusyon sana,” ani Pangilinan.

“Sayang ang pera, parang pinaanod lang sa dagat,” saad pa nito.

Mahigit P28 milyon ang halaga ng inilagay na dinurog na dolomite rocks sa dalampasigan ng Manila Bay bunsod ng paghampas ng malalaking alon dahil sa mga nagdaang bagyong Quinta at Rolly.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?