34

Aug 16, 2020 @ 15:25
By

Sarado P2B dapat! Pacquiao binarat, P1.8B alok ng buyer tinabla

Ibebenta lang umano ni Senador Manny Pacquiao ang kanyang mansion sa pamosong Forbes Park sa Makati City kung hindi ito bababa sa dalawang bilyong piso.

Kamakailan lamang, isang buyer ang nag-alok kay Pacquiao ng P1.8 bilyon para bilihin ang kanyang magarang mansiyon subalit tinanggihan niya ito.

“I asked him and he told me may tumawad daw ng P1.8 bullion [pero] hindi siya pumayag, pero kung P2B daw ibebenta daw niya,” ayon sa source ng ABANTE na malapit kay Pacquiao.

Tumanggi naman ang source na pangalanan ang buyer.

Nauna nang nabalitang ibibenta ng pamilya Pacquiao ang mansion sa North Forbes Park sa halagang 1.5 bilyon.

Pero sabi ng source, hindi pa naman 100 percent ‘sure’ ang fighting senator na talagang ibebenta niya ang bahay. Pero kung may mag-alok umano ng sarado P2 bilyon, siguradong papatusin niya ito.

“Hindi naman siya ang nag-offer. May nag offer ng P1.8B ang sabi niya P2B ang gusto niya,” sabi pa ng source.

Ang Zen-inspired mansion ni Pacquiao ay may sukat na 2,000-square meter. May apat na garahe ito, limang bedroom at pitong bathrooms.

Ang bahay ay dating pag-aari ng isang kilalang banker at idinisenyo ni Architect Anton R. Mendoza habang ang interior naman ay ginawa ng Budji+Royal Designs. Binili ni Pacquiao ang bahay noong 2011.

Ayon pa sa source ng ABANTE, malaki rin umano ang ginastos ni Pacquiao sa pagpapa-renovate ng mansion.

“Malaki ang ginastos niya for renovation nun, so the fact na ni-renovate yun eh hindi talaga para ibenta. Pero siyempre if the price is right, which is P2B then ibebenta ni Manny,” sabi pa ng source.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?