162

Nov 16, 2021 @ 21:23
By

Sara kinumpirma tandem kay Marcos Jr.

Kinumpirma ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na mayroong alyansa ang kanyang partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) at Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ng presidential aspirant na si dating senador Ferdinand Marcos Jr.

Ang pagkumpirma ay sinabi ni Carpio, ang vice presidential candidate ng Lakas-CMD, sa isang video na ipinadala sa media at ipinost sa kanyang social media account.

“Ang aking partido ay nakipag-alyansa at humingi ng suporta para kay Bongbong Marcos at para sa akin matapos kong tanggapin ang inyong hamon at panawagan,” sabi ni Carpio.

Isa umano ang PDP-Laban sa hiningian ng suporta ng alyansa pero tumanggi umano ito.

“Tinanggihan ito ng PDP at naiintindihan natin ito. Pero gusto ko lamang na linawin — walang pangalan na sinisira o dinudungisan, walang sinasagasaan, walang inaagrabyado, inaaway, pinapaiyak o inaapi,” dagdag pa ni Carpio.

Sinabi ni Carpio na nagsisimula pa lamang ang mahaba at mahirap na laban “pero kampante ako na sasamahan at tutulungan ninyo ako hanggang sa dulo — hanggang maipanalo natin ito para sa ating mahal na bayan at mga kapwa Pilipino.”

Ang nag-uumapaw na suporta umano ang nagbibigay kay Carpio ng tibay, lakas ng loob at inspirasyon.

Nanawagan din si Carpio ng pagkakaisa sa mga sumusuporta sa administrasyong Duterte lalo at pareho naman umano ang pangarap ng mga ito na maging mas matatag, mas mapayapa at mas maunlad ang bansa.

“Sa muli, nananawagan ako ng pagkakaisa. Ang layunin natin ay hindi lamang ituloy ang mga magagandang nasimulan ni Pangulong Duterte kundi ang mas pagbutihin at mas palawigin pa ang mga ito,” sabi pa ng alkalde. “The people will make me strong. And it is through our solidarity and unity that we will be able to build a stronger nation.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?