486

Nov 22, 2021 @ 20:40
By

Sara, Digong may tampuhan

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong sentimyento ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa kanyang talumpati sa inspection ng airport at seaport development projects sa General Santos City, sinabi ng Pangulo na may tampo si Mayor Sara dahil inuna niyang pinaganda ang ibang mga lugar at hindi ang Davao City.

Ikinuwento ng Pangulo ang kanyang unang cabinet meeting kung saan iniutos niyang unahing pagandahin ang ibang lugar at panghuli na lamang ang Davao City.

“Ang anak kong babae may sentimyento ‘yan. Alam mo, gusto niya ang airport niya, kasi mayor siya eh, gusto niya ang Davao…But during the first cabinet meeting, I’m very emphatic sabi ko unahin na ninyo yung ibang lugar, iiwan ninyo yung Davao because it would not look good kung pagandahin mo ang Davao tapos pagandahin mo yung iba, maiwan kami,” anang Pangulo.

Isinaalang-alang ng Pangulo ang delicadeza kaya inihuli niya ang plano para dito subalit tila hindi na aniya sapat ang natitirang panahon dahil hindi na ito maihahabol pa.

“Maybe a little sense of delicadeza. So yung ano ko, may ano siya because that was the first thing that she pronounced na ang Davao, pagandahin, palakihin. Hindi nga nakalahati dito eh. I’m very happy for you, but I’m sad for Davao City na baka hindi maabot with the very limited time. Akala ko maihabol pa rin ang Davao but things ganoon talaga,” dagdag ng Pangulo.

Umaasa si Pangulong Duterte na baka ang susunod na lamang na Presidente ang magpapatuloy sa kagustuhan ni Mayor Sara na pagandahin ang Davao City airport.

“Baka ang sunod na Presidente unahin na yung amin, nandiyan man si Inday, so good luck to them,” wika ng Pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?