21

Nov 23, 2021 @ 16:16
By

Sapilitang bakasyon sa empleyadong hindi bakunado pinalagan

Kinuwestiyon ng Makabayan bloc ang no vaccination, no work policy na inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Naghain ang mga miyembro ng bloc ng resolusyon upang manawagan sa Kamara de Representantes na hilingin kay Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ang resolusyon ng IATF.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite ang polisiya ay pahirap sa mga naghihirap ng mga manggagawa sa gitna ng pandemya.

“Sapilitang ‘bakasyon kung walang bakuna’? Malinaw na labag sa batas ito,” sabi ni Gaite.

Noong Nobyembre 11, 2021, inilabas ng IATF ang Resolution No. 148-B upang maipatupad ang mandatory vaccination ng mga manggagawa na pisikal na pumapasok sa trabaho.

Bagamat nakasaad na ipatutupad lamang ito sa mga lugar kung saan mayroong sapat na bakuna, sinabi ni Gaite na nakasaad din doon na ang mga empleyado na hindi pa bakunado ay dapat sumailalim sa RT-PCR test ng regular at siya ang sasagot sa gastos nito.

“We reiterate our demand for free testing of workers which should be shouldered by the government to ensure safe work places. Also, the vaccine supply and administration must urgently be addressed which we believe the Duterte Administration has miserably failed in attending to,” dagdag pa ni Gaite.

Sa House Resolution 2373, sinabi ni Gaite at iba pang miyembro ng Makabayan bloc na taliwas ang polisiya sa COVID-19 Vaccination Program Act (RA 11525) na nagsasabi na ang vaccination card ay hindi dapat maging mandatory requirement sa eskuwelahan, trabaho at pakikipagtransaksyon sa gobyerno.

Ang hakbang umano ng IATF ay nagpapakita ng kawalan nito ng malasakit sa mga manggagawa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?