106

May 7, 2018 @ 11:34
By

Sapat ang suplay ng kuryente sa May 14 elections – DOE

TINIYAK ng Department of Energy (DoE) na may sapat na suplay ng kuryente para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Ginawa ni Energy Sec. Alfonso Cusi ang pagtitiyak sa pulong ng Task Force on Energy Resiliency kung saan napag-usapan ang mga ‘contingency measures’ ukol sa power supply sa eleksyon sa Lunes.

Kabilang sa mga bumubuo sa task force bukod sa kagawaran ay ang National Electrification Administration, National Power Corporation, National Transmission Corporation, National Grid Corporation of the Philippines, Philippine National Oil Company at Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation.

Samantala, naimbitahan sa pulong ang mga bumubuo naman sa National Security Group, tulad ng National Security Council, AFP. Coast Guard, PNP at Bureau of Fire Protection.

Sinabi naman ni Energy Usec. Jesus Posadas ang pagtiyak ng sapat na supply ng kuryente sa araw ng halalan ay kanilang ambag para sa adhikain ng administrasyon na makaroon ng malinis, maayos, mapayapa at tapat na eleksyon.

Aniya kailangan ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga kinauukulang ahensiya para maiwasan ang pagbagsak ng suplay ng kuryente sa susunod na Lunes.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?