841

‘Santo Rodrigo’ ipinagtanggol nina Sotto, Ejercito

Ipinagtanggol nina Senate President Tito Sotto at Senador JV Ejercito si Pangulong Rodrigo Duterte na binabatikos ng ilan matapos sabihin na siya na lang ang sambahin bilang si ‘Santo Rodrigo’.

Ayon sa dalawang senador, nagbibiro lang ang Pangulo at gustong magpatawa nung sinabi niya ito.

Sinabi ni Sotto na dati nang palabiro ang Pangulo bagaman hindi aniya maiaalis na mayroong madismaya rito.

“Ang hilig kasing mag-comedy. Syempre, ganun talaga. ‘Yung iba, hindi nila panlasa ang ganun,” pahayag ni Sotto sa panayam ng DWIZ.

Sa isang talumpati noong Undas, sinabi ng Pangulo na hindi dapat sinasamba ang mga santo na aniya ay ‘gago’ at ‘lasenggo’.

“Sinasabi ng iba eh Pangulo siya, na hindi siya dapat nagbibiro nang ganun, e pangulo siya. Merong sensitive sa ganun, wala na tayong magagawa run,” paliwanag ni Sotto.

Idiniin naman ni Ejercito na hindi kailangang palakihin at seryosohin ang madalas na pagbibiro ng pangulo na kilala niya na gumagalang naman sa Simbahang katoliko.

“Nagpapatawa lang (ang Pangulo). I don’t think he is really serious with those remarks,” sabi ni Ejercito.

Ayon kay Sotto, hindi niya aawatin sa ganung pagbibiro ang Pangulo dahil hindi siya nagbibigay ng unsolicited advice habang sinabi ni Ejercito na makabubuti kung titigilan ito ng Pangulo bilang konsiderasyon sa nakararaming Pilipino na Katoliko. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?