56
Santillan, Marinero buhay pa sa playoffs
May 9, 2019 @ 17:16
By ,

Santillan, Marinero buhay pa sa playoffs

Nanatili pa rin ang tsansa ng Marinerong Pilipino na makasikwat ng playoffs seat sa 2019 PBA D-League nang alpasan ang Metropac-San Beda 88-85 sa overtime Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Umariba si Santi Santillan ng 15 points at 14 rebounds, ang tres niya sa huling 69 segundo sa OT ang nagbigay sa Skippers ng 84-79 bentahe.

Muling nagparamdam si Jhonard Clarito na pinoste ang limang puntos sa 12 points niya sa extra period ng laro.

May pagkakataon sana na makapwersa ng isa pang overtime ang Movers kasabay ng pag-init ni Clint Doliguez pero mintis ang huling beyond the arc shot ni James Canlas kasabay ng pagtunog ng buzzer.

“Sinasabi namin sa kanila, ‘yung chance wala sa kamay natin, pero ang trabaho is yung natitirang dalawa nating laro. At least ‘yung chance, nandyan pa,” sabi ni coach Yong Garcia.

Tangan ngayon ng Skippers ang 4-4 na kartada at may pagkakataon na itong maupuan ang last Final Four seat sa Foundation Group kung matatalo nila sa huling game sa elims ang Perpetual sa Martes at mapapaamo naman ng CEU ang FEU sa Mayo 23.

Nasayang ang pagkakataon ng Metropac-San Beda (6-3) na magtapos sa top two seeds ng grupo para sa twice-to-beat advantage sa quarterfinals.

Selyado na ang top two spot ng Foundation Group ng CEU at Valencia City Bukidnon-SSCR na hawak ang parehong 6-2 win-loss record.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?