sanofi-dengvaxia

Sanofi, sinisingil ng DOH sa P1.4B na ‘di nagamit na Dengvaxia

Sharing is caring!

Ipinapasauli na ng Department of Health (DOH) sa Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia, ang P1.4 bilyong halaga na hindi nagamit na bakuna.

Sa ipinadalang liham ng DOH sa hepe ng Sanofi Pasteur Asia Pacific na si Thomas Triomphe, pinasasagot din nito sa kompaniya ang gastusin sa sero testing ng mahigit 830,000 mga estudyanteng naturukan ng Dengvaxia.

Bigo umano ang Sanofi na maideliber ang dapat sana’y benepisyo ng bakuna at kaligtasan nito na lumabas na depektibo, ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III.

Gayunman, wala pang tugon ang kompaniya sa ipinadalang liham ng gobyerno.

Una nang inihayag ng kagawaran na kakasuhan umano ang kompaniya matapos sabihing mapanganib ang pagbabakuna ng Dengvaxia sa mga indibiduwal na hindi pa dinadapuan ng dengue.

Sinuspinde naman ng Food and Drug Administration (FDA) ang certificate of product registration ng Dengvaxia at pinagmulta rin ang Sanofi ng may P100,000.

Kaugnay nito, sa tala ng dengue surveillance team ng DOH-Epidemiology Bureau noong Enero 10, apat sa 17 kaso ng dengue ang mga nasawi.

Nilinaw naman ni Duque, na wala pang resulta kung Dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng mga ito, at sinabing pinag-aaralan pa ito ng panel ng mga eksperto mula sa Philippine General Hospital (PGH) katuwang ang DOH.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?