199
tnt_hontiveros
Jan 26, 2018 @ 12:04

Sanofi sasagutin ang medikal na gastusin ng mga batang apektado ng Dengvaxia

By Risa Hontiveros

Patuloy na iniimbestigahan ng Senado ang kontrobersiyal na isyu ng Dengvaxia kung saan libo-libong kabataan ang basta na lamang naturukan nito sa buong Pilipinas sa ngalan ng programang pangkalusugan ng ating pamahalaan.

Ang Dengvaxia ay gawa ng Sanofi Pasteur, isang higanteng banyagang kompanya na gumagawa at nangangalakal ng gamot. Ang nasabing bakuna ay naiturok sa napakaraming kabataan sa iba’t ibang panig ng Pilipinas upang mahinto diumano ang delubyo na dulot ng dengue virus.

Dama ko ang lungkot, pangamba at galit ng mga magulang at kapamilya ng mga batang nabakunahan nito, lalo na iyong mga hindi pa nagkaka-dengue. Hindi mo nga naman inakala na ang bakuna na iiwas diumano sa kanilang anak sa panganib ng nasabing sakit ang lalo pang magpapahamak dito. Inamin ng Sanofi Pasteur na ang Dengvaxia pala ay epektibo lamang sa mga taong nagka-dengue na. Ang masama pa nito, maaari nitong malagay sa kapahamakan ang mga taong naturukan na hindi pa nagkaka-dengue. Naku, lagot na!

Nitong nakaraan lamang, muling dininig ng Senado ang isyu tungkol sa Dengvaxia. Dito ko hiningi mismo ang kompirmasyon mula sa pamunuan ng Sanofi Pasteur na si Thomas Triomphe kung sasagutin nila ang mga gastusin ng mga pasyenteng namatay o nagkasakit dahil sa Dengvaxia. Positibo ang kanyang tugon na sasagutin ng Sanofi Pasteur ang anumang gastos ng mga pasyente na nagkasakit o pumanaw dahil sa bakuna ng Dengvaxia.

Para maibsan ang pagkatuliro ng marami nating mga magulang, ang maipapayo ko sa ngayon ay makipag-ugnayan kaagad sa pinakamalapit na opisina ng Department of Health sa inyong lugar. Ito ay para matukoy ng DOH ang mga kabataang nabakunahan ng Dengvaxia at ng maisama sa kanilang database. Ito rin ay importante para kung magkasakit ang inyong kaanak ay madaling makahingi ng tulong sa DOH para mabilis na mapanagot ang Sanofi sa problema na dulot ng Dengvaxia.

Katulad ng mga nauna ko nang pahayag, ang anumang problema sa pampublikong programa ng pamahalaan ay nakakabahala sapagkat buhay ng masa ang nakasangkalan dito. Sa isyu ng Dengvaxia, tinatayang 70 libong batang naturukan ng kontra dengue ang maaaring nasa peligro ngayon. Nanawagan na tayo sa DOH at Department of Education, na gumawa ng isang komprehensibong datos sa Luzon at Cebu para makilala kung sinu-sino ang mga naturukan ng Dengvaxia. Malaking tulong ito upang mapanagot ang Sanofi Pasteur sa kanilang mga kasalanan sa lipunan.

Sa ating mga kawani at opisyal ng pamahalaan, ngayon higit kailanman ay kailangang maging mapanuri, maingat at mapagmatyag tayo sa lahat ng mga binibigay nating serbisyo sa ating mga kababayan lalong lalo na kung ang buhay at kalusugan ng ating mga mamamayan ang nakasalalay dito. Ang pera ay maaaring maibalik subalit ang buhay at kalusugan ng ating mga pamilya, kaanak at kaibigan ay hindi na.
*****
Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?