54

Dec 14, 2017 @ 21:33
By

Sanofi, mananagot kung nagsinungaling sa Dengvaxia – Noynoy

May pananagutan umano ang Sanofi Pasteur dahil sa pagsinungaling nito tungkol sa kanilang produktong Dengvaxia.

Ito ang inihayag kanina ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa press conference matapos niyang humarap sa pagdinig ng Senado ukol sa kontrobersyal na bakuna kontra dengue.

Ayon kay Aquino, noong kaniyang panunungkulan, sinabi sa kaniya ng mga eksperto at ng kaniyang mga opisyal na nasuri na nang husto at ginarantiyahang ligtas ang bakunang Dengvaxia.

Lumitaw kamakailan lamang na hindi ito angkop na gamitin at maaring maging sanhi ng pagkakasakit ng matuturukan na hindi pa nagkakasakit ng dengue.

“If it can be proven that they withheld information, then yes. Did they withhold information? Parang gusto kong malaman pero hindi ako nasa kapasidad para i-prove o disprove yan,” sabi ni Aquino.

Iginiit naman ni Aquino na inaprubahan niya ang pagbili ng Department of Health (DOH) ng mga bakuna noon dahil nakita niyang iyon ang tamang gawin.

Mahigit 1,400 porsyento umano ang pagtaas ng bilang ng nagka dengue sa ilang lugar at kinailangan niyang umaksyon.

Walang kumontra noon sa pagpapabili niya ng bakuna at may ulat na bumaba na ang bilang ng mga nasawi sa dengue.

Kung hindi niya iyon ginawa noon, baka sinisisi raw siya ngayon ng taumbayan na itinuturing niyang “boss” kung wala siyang ginawa para masawata ang pagkasawi ng marami dahil sa dengue.

Sagot nya sa mga kritiko at sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na nagsasabing dapat siyang kasuhan ng plunder o pandarambong, suriin ng mga ito kung masama ang kaniyang intensyon.

“Tignan natin if the act was evil and if the intention was evil. To promote the vaccination at that time, was it evil? And if you knew that it was evil and you continued to implement it then the intention was evil,” sabi ni Aquino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?