76

May 2, 2020 @ 16:35
By

Sanggol nalunod sa 1 baldeng tubig

Patay ang isang siyam na buwang gulang na sanggol matapos malunod sa isang baldeng tubig habang pinapaliguan ng mga menor de edad na kapatid at pinsan sa Barangay Poblacion, Marco, Davao del Oro noong Miyerkules.

Ayon sa Marco Police Station (MPS), sinabi ng ina ng biktima na si Charmaine Villarosa iniwan niya ang kanyang mga menor de edad na anak sa kanyang nanay sa Purok 9 dahil aasikasuhin niya ang ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP).

Sinabi ng MPS, hindi namalayan ng ina ni Villarosa na pinaliguan ang sanggol ng mga menor de edad sa isang baldeng tubig at dito nalunod ang biktima.

Agad na dinala sa isang ospital sa Tagum City ang bata, pero kinabukasan, pumanaw ito.

Dagdag ni Villarosa, nahirapan sila sa pagkuha ng ayuda ng kanyang partner na lehitimong benepisyaryo ng SAP.

“Hindi ko sinadya. Pero dahil sa SAP na pinapabalik kami, matagal namin nakuha ang ayuda. Kung ibinigay lang sana nila kasi may payroll naman kami. Kasi sabi ni Pres. Duterte, house-to-house ang distribution,” ani Villarosa.

Lubos namang pinagsisihan ng ina ang pangyayari at sinabing ang pera na makukuha nila sa SAP ay pambili sana ng gatas at pangkonsumo.

“Kung alam ko lang na ganoon ang mangyayari, hindi ko na lang sana kinuha ang pera, kapalit ng buhay ng aking anak. Ginawa ko na ang lahat na mabuhay ang bata, pero hindi siya nailigtas,” anang ina ng bata.

Humihingi na ng tulong ang pamilya ng biktima para sa burol at pagpapalibing sa sanggol, na pinangakuan naman ng barangay na magbibigay ng ayuda.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?