68

Oct 20, 2019 @ 17:25
By

Sanggol iniri sa toilet bowl, patay

Patay ang isang sanggol nang hindi sinasadyang mahulog sa toilet bowl dahil sumamang lumabas ito sa sinapupunan ng isang kasambahay sa pag-iri habang dumudumi sa banyo sa Barangay Valencia, Quezon City, Biyernes.

Kinilala ni PLt. Nick Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD) ang sanggol na namatay bilang baby boy Bulagnir.

Sa naantalang report kay PSSgt. Julius Cesar Balbuena, ng CIDU-QCPD, ang insidente ay naganap dakong alas-nuwebe ng umaga, Oktubre 18, 2019, sa Unit 23 One Castilla Place, Castilla St., Brgy. Valencia, QC.

Batay sa imbestigasyon, siyam na buwang buntis umano si Ramie Bulagnir, sa nasabing unit, at nagtungo umano sa banyo upang dumumi subalit nagulat na lamang siya nang sa kaniyang pag-iri ay sumama ang sanggol sa kaniyang sinapupunan at bumagsak sa toilet bowl.

Bagama’t nahihirapan na umano ang kasambahay ay agad umanong kinuha nito ang sanggol, at humanap ng gunting saka pinutol ang ‘umbilical cord’ subalit nang mapansing hindi umiiyak ang baby boy ay nilagay ito sa plastic bag saka tinago sa ilalim ng kama.

Nang makita ng kanyang kapwa kasambahay na si Maryann Balando si Balagnir na duguan ay agad itong humingi ng saklolo sa kanilang employer at mga opisyal ng barangay saka sinugod ang nanay ng sanggol sa San Juan Medical Center.

Pagkatapos maisugod si Bulagnir sa ospital ay nagbalik ang mga barangay tanod sa pinagtatrabahuhang unit ng kasambahay at doon natagpuan nila sa ilalim ng kama ang naka-plastik na sanggol.

Sa pag-asang buhay pa ang sanggol ay dinala agad ito ng Barangay Rescue team sa pamumuno ni Ex-Official Rosendo Velaso sa parehong ospital subalit dineklara itong patay dakong alas-10:57 ng umaga ni Dr. Leslie Esquivel.

Wala namang nakitang external injury sa sanggol at masusi pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkamatay nito na posible umanong na-suffocate ng ilagay sa plastik ng kaniyang ina.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?