121

Aug 28, 2019 @ 15:40
By

Sanggol, 3 pa patay sa nasunog na ferry patungong Dapitan

Apat ang naiulat na nasawi, kabilang ang isang sanggol at senior citizen, sa nasunog na ferry na patungo sana ng Dapitan City nitong Miyerkoles ng madaling-araw.

Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), tatlo sa mga nasawing biktima ay nakilalang sina Chloe Labisig, 1-taong gulang; Danilo Gomez, 60; at Rolando Heneral, pawang residente ng Zamboanga del Sur, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang namatay sa insidente.

Base sa ulat ni Ramon Gamalinda, kapitan ng PCG Auxiliary sa Dapitan City, mula alas-nuwebe ng umaga ay umaabot na sa 107 na pasahero ang nasagip sa nasunog na ferry.

Base sa ipinadalang manifesto sa PCG, may sakay na 137 pasahero ang barko, 109 sa mga ito ang adult, 24 ang bata at apat ang sanggol.

Base sa inisyal na ulat, galing ng Samboan port sa Cebu ang M/V Lite Ferry, Martes ng gabi (Agosto 27) at patungo sana ng Dapitan City nang sumiklab ang sunog mula sa engine room nito dakong ala-una ng madaling-araw, may isang oras na lamang bago ito dumating sa patutunguhan.

Naunang nakaresponde sa insidente ang isang fast craft na Fast Cat na kakaalis pa lamang sa Pulauan port nang matanggap nila ang distress call na agad tinungo ang nasusunog na ferry upang sumaklolo.

Dahil naman sa pagkataranta ay marami ang tumalon sa ferry na suwerteng nasagip naman ng Fast Cat vessel ang iba habang nalunod ang mga nasawing biktima.

Sa kabuuan ay mahigit sa 50 pasahero ang naisalba ng Fast Cat bago dumating ang responde ng PCG.

Base naman sa sketchy report ay mayroon pa umanong 15 hanggang 20 katao ang nawawala na ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng PCG.

Patuloy ang imbestigasyon ng insidente kung ano ang pinagmulan ng nasabing sunog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?