3,702
Sandra Cam kay Duterte: Sibakin mo na ako!
By

Sandra Cam kay Duterte: Sibakin mo na ako!

Emosyonal na hiniling ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Director Sandra Cam kay Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin na siya sa kanyang tungkulin at magkasa ng revamp sa buong board of directors ng ahensya.

Sa isang panayam, sinabi ni Cam na hindi na niya masikmura ang talamak na korapsyon at pagbibigay ng mga pabor ng ilang opisyal at direktor ng PCSO na pawang dating mga heneral ng militar.

“I-relieve niyo na ako dito sa posisyon ko dahil hindi ko na po kaya ang korapsyon dito. Revamp the whole board of PCSO including me dahil babagsak po ang PCSO wala na po kaming revenue na natatanggap kung laging flip flopping ang board,” ang halos naiiyak pang panawagan ni Cam kay Pangulong Duterte.

Tinukoy ni Cam sa umano’y ilan sa mga anomalya sa ahensya ang operasyon ng Speed Gaming, franchisee ng Small Town Lottery (STL) sa Pangasinan kung saan aabot sa P132 milyon aniya ang shortfall o hindi nito nababayarang revenue sa PCSO at ipinakikiusap lamang umano sa mga mistah na opisyal ng ahensya.

Ang Speed Game ay prangkisa ng STL at umaabot umano sa P2 milyon ang lugi nito kada araw.

Apat ang nakaupong Board of Director ng PCSO, na kinabibilangan nina Cam, Anselmo Pinili na tumatayo rin bilang chairperson at OIC General Manager, Dir. Marlon Balite at Dir. Ramon Ike Señeres.

Idinagdag ni Cam na said na ang pondo ng PCSO kung kaya’t wala rin itong mai-donate na ambulansya sa mga ospital o sa mga humihingi ng tulong.

Sumulat na rin aniya siya sa Pangulo at isinumbong ang mga anomalya sa PCSO pero hindi niya alam kung nakarating na ito sa Pangulo.

Kasabay nito’y itinanggi ni Cam na sumisipsip o nagpapapansin lang siya sa Malacañang para itaas siya ng posisyon.

Kuntento na umano siya bilang isa sa board of directors upang maging fiscalizer o tagamasid ng mga mali sa PCSO.

“Kayo na mga kasamahan ko sa board, makonsensya kayo. Please president, tanggalin niyo kaming lahat. Palitan niyo lahat ng mga may puso dahil sa nagyayari dito ngayon marami ng beses kahit sa Davao, di nababayaran ang utang ng PCSO sa isang ospital. Wala na kaming magandang revenue. Bagsak po ang revenue ng PCSO dahil sa hindi paniningil sa mga shortfalls ng mga STL. Karamihan sa may utang ay mistah of those siting in the PCSO,” diin ni Cam.

Umaasa rin si Cam na hindi na magmumula sa militar ang papalit sa kanila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?