By

Sandra Cam kay Balutan: ‘Di kita tatantanan

Sharing is caring!

Walang balak si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board member Sandra Cam na tantanan sa ngayon si PCSO General Manager Alexander Balutan matapos nitong madiskubre ang aniya’y maluhong paggastos sa Christmas party ng tanggapan.

Sa presscon sa Maynila, sinabi ni Cam na hangga’t hindi siya inuutusan o pinagsasabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte na manahimik ay tuloy ang kanyang pagsisiwalat ng mga katiwalian laban kay Balutan.

Tiniyak ni Cam na hindi naman apektado ng kanilang bangayan ni Balutan ang operasyon ng PCSO at ang pagtulong nito sa mga nangangailangan.

Aminado si Cam na matagal na niyang kaibigan ang negosyanteng si Atong Ang, panahon pa ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Gayunman, iginiit ni Cam na walang kinalaman si Ang sa kanyang pagsasalita at pagsisiwalat ng paggastos ng PCSO ng mahigit P9 milyon sa kanilang Christmas party.

Mistulang idinipensa rin ni Cam si Ang nang sabihin nito na walang interes ang huli na pasukin ang Small Town Lottery o STL.

Sinabi ni Cam na handa siyang ipaputol ang kanyang kamay kapag nakapasok si Ang sa STL.

Idinagdag pa nito na handa siyang humarap sa planong imbestigasyon ng Senado para idetalye ang kinukuwestiyong milyong pisong pondo sa naging party ng PCSO.

Itinanggi rin ni Cam na siya ang source ng mga dokumento ni Ted Failon sa mga isiniwalat nitong katiwalian sa PCSO sa kanyang programa sa DZMM. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?