56

By

Sandigan pinayagan si Jinggoy sa check up ni Erap sa Singapore

Sharing is caring!

Pinayagan ng Sandiganbayan si dating Senador Jinggoy Estrada na samahan ang amang si Manila Mayor Joseph Estrada para sa 10 araw na medical check-up sa Singapore.

Sa dalawang pahinang resolusyon, sinabi ng anti-graft court Fifth Division na ginagarantiyahan ng Konstitusyon ang karapatang bumiyahe maliban na lamang sa mga kasong nakasaad sa batas.

Unang tinutulan ng prosekusyon ang mosyon ni Jinggoy sa katuwirang flight risk ito at hindi nito naipakitang importante o kailangang-kailangan niyang bumiyahe.

Ayon naman sa korte, sa Singapore lamang puwedeng pumunta si Jinggoy at hindi sa ibang lugar.

Inatasan din ito na maglagak ng travel bond na P2.6 milyon para sa kanyang biyahe mula Nobyembre 11 hanggang Nobyembre 20.

Doble ang halagang ito ng P1.3 milyon na piyansa ng senador noong Setyembre para pansamantalang makalaya mula sa kanyang kulungan sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame.

Nahaharap si Jinggoy sa kasong plunder at graft kaugnay ng pork barrel scam.

Sa resolusyon, nakasaad na kailangang mag-report ito sa korte sa loob ng limang araw pagbalik sa bansa.

“Otherwise, his future petitions for authority to travel will be denied by this Court,” sabi sa resolusyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?