241

May 20, 2019 @ 12:01
By

Sanay na! Duterte natawa sa ulat na inatake sa puso

Natawa na lamang umano si Pangulong Rodrigo Duterte matapos mapaulat na inatake ito at isinugod sa Cardinal Santos Hospital noong Linggo ng umaga.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nakausap niya ang Presidente alas diyes ng umaga noong Linggo at natawa na lang ito sa ipinakalat na balita.

Ayon kay Panelo, sanay na aniya ang Presidente na ginagawan ng intriga ng mga kalaban kapag hindi nakikita sa publiko.

“Natatawa lang siya, palagi namang ganyan lalo na pag ‘di siya makita eh. Maraming haka-haka. Sanay na yun eh,” ani Panelo.

Wala aniyang balak si Pangulong Duterte na buweltahan o kasuhan ang mga nagpapakalat ng maling balita sa kanya at hahayaan na lamang aniya ito.

Sinabi ni Panelo na maayos ang kundisyon ng Pangulo at kahit hindi ito nakikita sa publiko ay nagtatrabaho ito gaya ng mga private meetings nito na hindi kailangang ipakita sa media.

Sinabi pa ng kalihim na regular ang check-up ng Presidente kaya walang dapat na ipag-alala ang publiko.

Matapos mapabalitang isinugod sa Cardinal Santos Hospital ang Pangulo Linggo ng umaga ay naglabas ng mga larawan si senator-elect Bong Go habang sila ay nag-aalmusal sa kanyang official residence sa Bahay Pangarap at habang nagbabasa ng mga pahayagan para patunayang maayos ang kundisyon ng Presidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?