38

Mar 9, 2020 @ 14:40
By

San Fernando, La Union tinamaan na ng ASF

Kinumpirma ng San Fernando City, La Union local government ang kauna-unahang kaso ng African Swine Fever (ASF) kung saan mahigit 30 alagang baboy ang namatay sa isang piggery sa nasabing siyudad.

Base sa anunsiyo ni San Fernando Mayor Alfredo Pablo Ortega, isang babuyan sa Barangay Cadaclan ang may kaso ng ASF kung saan, ani city veterinarian Dr. Flocy Decena, higit 30 baboy ang namatay.

Ayon kay Ortega, binigyan naman umano ng financial assistance ang mga apektadong magbababoy ng nasabing barangay.

Dahil dito, inumpisahan na ng city at provincial government ang pag-cull o pagpatay sa mga baboy na nasa loob ng one-kilometer radius ng apektadong babuyan.

Tiniyak din ng alkalde na dumaraan sa masusing inspeksiyon ang mga baboy na binebenta sa mga palengke sa lungsod para matiyak na ASF-free ang mga ito.

Sinabi ni Decena na lumabas sa resulta ng test sample na positibo sa ASF ang mga namatay na baboy, kaya agad na binaon ang mga ito sa lalim na 6 talampakan, sa naturang lugar.

Samantala, pinapatupad ngayon ng lokal na pamahalaan at ng City Veterinary Office (CVO) ang mga kaukulang hakbang para mapigilan ang lalo pang pagkalat ng virus, gaya ng disinfection at mahigpit na checkpoint sa lahat ng mga sasakyan na lalabas at papasok sa siyudad.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?