6

Jul 22, 2020 @ 10:13
By

San Fernando City binalik sa ECQ

Muling isinailalim ng provincial government ng La Union sa enhanced community quarantine (ECQ) ang San Fernando City mula noong Martes hanggang July 31 matapos makapagtala ng mga panibagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa Resolution No. 24 na inilibas noong Martes, sinabi ng Ilocos Regional Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-1) na inaprubahan nila ang kahilingan ni La Union Gov.
Francisco Emmanuel Ortega III na ilagay sa ECQ ang nasabing siyudad matapos ang pag-aaral at pagrepaso sa kasalukuyang sitwasyon dito.

Ang nasabing resolusyon ay nilagdaan nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Regional Director James Fadrilan at Department of Health (DOH) Regional Director Dr. Valeriano Jesus Lopez.

Inutos din ni Ortega sa lahat ng alkalde at mga lokal na pulis sa siyudad na ipatupad at limitahan ang paggalaw at transportasyon ng mga tao, paglalagay ng mga checkpoint, pag-obserba ng minimum health protocol, pagpapatupad ng curfew hour, at palawigin ang presensya ng mga uniformed personnel para ipatupad ang ECQ.

Sinabi ng gobernador, ibinalik ang ECQ matapos na makapagtala ang San Fernando City ng anim na bagong kaso ng mga positibo sa COVID-19 noong Lunes.

Samantala, ayon naman kay Mayor Alfredo Ortega, isa sa anim na bagong kaso ng nagpositibo sa COVID-19 ay namatay noong July 19 at nilibing nitong July 20.

Ang nasabing pasyente ay isang 67-anyos na lalaki na taga-Barangay San Agustin. Nakitaan umano ito ng sintomas ngunit hindi pumayag na magpa-admit sa ospital. Na-swab test ito noong July 18.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?