932

Mar 8, 2020 @ 22:14
By

Sample ng dugo nagkalat sa Subic Bay

Hindi bababa sa 65 na blood sample vial na naglalaman ng mga dugo ang natagpuan sa baybayin ng Subic Bay noong Sabado, na naging dahilan nang pagkabahala ng maraming turista dito.

Sa ipinalabas na pahayag ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman and Administrator Wilma Eisma, ang nasabing mga vial blood sample ay natuklasan ng isang turista sa Board Walk Park ng SBFZ habang ito ay naglalakad sa lugar na agad naman niyang itinawag sa pamunuan ng SBMA.

“Ang mga vial na ito ay pinaghihinalaang na mga basura mula sa ospital na maaaring itinapon o planong hugasan sa pampang” ani Eisma.

“Inutusan ko ang SBMA Law Enforcement Department (LED) na maingat itong kunin at I-surrender agad sa SBMA Public Health and Safety Department (PHSD) para sa wastong paghawak at pagtatapon ng mga ito,” dagdag pa ni Eisma.

Nagbigay paalala si Dr. Solomon Jacalne ng PHSD na kapag may ganitong nakita ay huwag basta-basta hahawakan kundi ireport agad sa mga awtoridad.

Samantala, nagsasagawa na nang imbestigasyon ang pamunuan ng SBMA sa pangunguna ni Jacalne kasama ang Department of Health (DOH) upang matukoy kung saan nanggaling ang mga vial na ito ng dugo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?