62

Mar 17, 2020 @ 18:58
By

Salvage victim niratrat habang nakaposas

Sa kabila ng maraming itinayong checkpoint dahil sa ipinatutupad na ‘enhanced community quarantine’, isang lalaki ang pinagbabaril habang nakatali ang magkabilang kamay sa Barangay Kaunlaran, Quezon City, nitong Martes ng madaling-araw.

Ang ‘di pa nakilalang biktima ay nasa edad 30-35, may taas na limang talampakan, medium built, brown complexion, nakasuot ng puting t-shirt, asul na short pants, at may mga tatoo na ‘Dragon, Marilyn at Chivy’ sa katawan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Rodney D. Bay-os ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-12:50 ng madaling-araw (March 17) nang matagpuan ang bangkay ng biktima na tadtad ng tama ng bala ng ‘di pa batid na kalibre ng baril sa madilim na bahagi ng Seattle St., sa kanto ng N. Domingo sa Brgy. Kaunlaran, QC.

Ayon sa pahayag ng saksing nagpakilalang Alejandro, natutulog umano siya nang magising dahil sa sunod-sunod na putok ng baril malapit sa kanilang tahanan.

Agad umano siyang bumangon at pagsilip niya sa bintana ay natanaw niya ang duguang nakabulagtang biktima, habang papatakas naman ang isang puting SUV at motorsiklo (di nakita kung anong type at plaka) na dumaan sa harap ng kaniyang tahanan patungong Aurora Blvd sa nasabing lungsod.

Masusi nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya habang inaalam pa ang pagkikilanlan ng biktima at ng mga tumakas na suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?