64
jv-ejercito-ginhawa-ng-bayan
Oct 20, 2017 @ 12:01

Saluduhan natin ang ating mga kawal

ATING sinasaluduhan ang ating mga sundalo sa pagkakapatay sa pinakamarahas na kaaway ng estado at sambayanang Pilipino na si Isnilion Hapilon at Omar Maute. Ito ay tagumpay ng mga alagad ng kapayapaan laban sa mga kampon ng kadiliman.

Kaya naman hindi maampat ang pagbuhos ng pasasalamat ng taumbayan sa ating kasundaluhan at kapulisan dahil sa matagumpay na opensiba na nagwakas sa buhay ng dalawang pinuno ng terorismo.

At ipahintulot n’yo po na ialay ko ang buong pitak na ito sa pagpupugay sa ating Armed Forces of the Philippines at pati na rin sa Philippine National Police.

Ang hinagpis, kalungkutan, at takot na bumalot sa ating lahat sa loob ng anim na buwan mula nang sakupin ng mga terorista ang Marawi City ay napalitan ng luha ng kaligayahan at “sigh of relief,” ‘ika nga, lalo na sa mga biktima ng giyera.

Sa pagkamatay ni Hapilon at Omar Maute, halos nasisilayan na ang liwanag ng kapayapaan sa Marawi City at hindi magtatagal ay tuluyan nang magbabalik ang normal na buhay sa lungsod na mas maunlad at mas masigla.

Nagkaisa tayo sa gitna ng krisis, ngayon mas mahigpit na pagkakaisa ang kinakailangan para maibangon hindi lamang ang nasirang siyudad kundi lalo’t higit ang nawasak na mga buhay.

Hindi man natin maipagpatayo ng monumento ang bawa’t bayani ng Marawi siege, iukit naman natin sa ating mga puso ang bantayog ng kanilang kagitingan.

Mula ngayon, ang Oktubre disi-sais ay magsisilbing paalala sa kabayanihan ng ating kasundaluhan. Gawin nating espesyal ang petsang ito, hindi man sa ating kalendaryo kundi sa ating alaala.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?