75
magdalo-gary-alejano
Oct 18, 2017 @ 14:08

Saludo sa AFP

By Gary Alejano

Nagbunyi ang sambayanang Pilipino sa pagkakapatay ng ating Armed Forces of the Philippines (AFP) kina Omar Maute at Isnilon Hapilon matapos ang halos limang buwang giyera na sinimulan ng Maute brothers at Abu Sayyaf Group noong Mayo 23.

Isang maliwanag na tagumpay ito ng ating AFP at ng ating bansa laban sa terrorismo. Kaya naman, ang sambayanan ay sumasaludo at nagpapasalamat sa ating Secretary of National Defense Delfin Lorenzana, AFP Chief of Staff General Eduardo Año, mga opisyales at mga tropa sa kanilang pagpupursige na wakasan ang krisis sa Marawi sa pamamagitan ng pag-alay ng kanilang buhay at serbisyo.

To those who went ahead, my snappy salute. You will forever be remembered. You did not die in vain. Habang isinusulat ko ito, 160 sa ating tropa ang namatay sa giyera sa Marawi. Hinding-hindi malilimutan ng mga Pilipino ang pagbuwis niyo ng buhay upang magtagumpay tayo laban sa terorismo.

Ang pagkamatay nina Maute at Hapilon ay patunay na walang puwang sa mundo ang mga tulad nila na ang tanging hangarin ay maghasik ng terorismo sa kanilang bayan at kapwa.

Alam kong hindi nagtatapos sa Marawi ang banta sa seguridad sa ating bansa. Kailangang ipagpatuloy ng gobyerno ang suporta sa ating mga sundalo para mabawasan ang casualty sa ganitong giyera.

Sa pagwawakas ng krisis sa Marawi, kailangan nang masimulan ang rehabilitasyon ng lungsod. Hangad natin na makabalik na ang ating mga kapatid na Maranao sa kanilang tahanan at makapagsimula na muli ng kanilang buhay.

Kailangang maging mabilis ang rehabilitasyon ng Marawi City at nawa’y hindi magaya sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad. Katulad na lamang ng Eastern Visayas Region na halos apat na taon na mula nang manalasa ang bagyong Yolanda ay hindi pa rin naipapatayo ang pabahay para sa mga biktima.

Dapat siguraduhin ding walang red tape at hindi pagkakakitaan ng mga tiwali, pribado man o taong gobyerno, ang rehabilitation efforts sa Marawi City. Dito dapat gamitin ni Pangulong Duterte ang kanyang tapang.

Kasabay din ng rehabilitasyon ay ang healing process at pagtukoy ng gobyerno sa ugat ng himagsikan sa Lupang Pangako. Ito ay makakatulong upang masagot na ang deka-dekada nang problema sa Mindanao.

Naniniwala ako na kahirapan, kawalan ng edukasyon, kawalan ng hustisya, at pagpapabaya sa rehiyon ng Mindanao ang ilan sa mga pangunahing dahilan kung bakit marami ang naeengganyo ng mga terroristang grupo na umanib sa kanila.

Maraming napapaniwala ang mga utak ng terorismo dahil marami ang walang sapat na edukasyon. Kung magkaroon ng edukasyon ang lahat ng mga kabataan sa Mindanao, hindi basta-basta magkakaroon ng puwersa ang mga terorista.

Ika nga ni Malala Yousafzai: “with gun you can kill terrorist, with education you can kill terrorism”. Kaya tutukan dapat ng gobyerno ang edukasyon para maiiwas ang mga kabataan sa ganitong mga aktibidad.

Mahalaga din na masolusyunan ang kahirapan sa Mindanao. Dapat iparamdam natin sa mga kababayan natin doon na hindi sila pinapabayaan ng gobyerno.

Ang mataas na presensya at pagpapahalaga ng gobyerno ay makakatulong upang pigilan ang mga taong sumali sa mga grupong nagtutulak lamang ng karahasan at kaguluhan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?