54

Salpukan ng bus, kotse: Navy official, patay

Binawian ng buhay ang isang opisyal ng Philippine Navy matapos sumalpok ang sinasakyan nitong kotse sa kasalubong na pampasaherong bus, Lunes ng gabi sa bayan ng San Antonio, Zambales.

Idineklarang dead on arrival sa San Marcelino District Hospital sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Navy Private First Class Joseph Bill Ignacio, 26, nakabase sa Naval Educational Training and Doctrine sa nabatid na bayan.

Samantala, arestado naman ang suspek na si Joseph Menor, 36, drayber ng Victory Liner bus na nakasalpukan ng sasakyan ng biktima.

Base sa ulat ni Police Capt. Marvin Domacena, hepe ng San Antonio Municipal Police Station, pasado alas-10:00 ng gabi nangyari ang insidente sa Barangay Antipolo.

Lulan ng kulay pulang Kia Pride Sedan ang biktima na bumibiyahe papuntang timog nang bigla itong lumipat sa kaliwang parte ng kalsada at kainin ang kabilang linya.

Eksakto namang paparating ang Victory Liner bus na minamaneho ng suspek dahilan upang sumalpok ang kotse sa kaliwang bumper ng dambuhalang sasakyan.

Sa lakas ng salpukan ay parang piniping lata ang sasakyan ng biktima.

Sinubukan pang isugod sa nasabing pagamutan ang biktima subalit dahil sa tinamong pinsala ay hindi na ito umabot pa nang buhay.

Sinampahan naman ng kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to property ang suspek na ngayon ay nakapiit sa San Antonio MPS detention cell.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?