121

Sep 9, 2021 @ 16:49
By

SALN ni Duterte ayaw ilabas! Impeachment vs Martires iniumang

Matapos hindi ibigay ang kopya ng Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) ni Pangulong Rodrigo Duterte, nanawagan ang isang abogado sa Kongreso na i-impeach si Ombudsman Samuel Martires.

Sinabi ni Atty. Dino de Leon na si Martires ay nagsisilbing balakid sa publiko upang mapanagot ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

Iginiit ni de Leon na malinaw sa Konstitusyon at mga batas na dapat isapubliko ang SALN ng mga opisyal ng pamahalaan.

Sumulat si de Leon sa Ombudsman upang humingi ng kopya ng SALN ni Duterte pero hindi ito pinagbigyan. Ang ginamit na batayan ay ang Memorandum Circular 1 kung saan nakalagay na ang mga maaari lamang kumuha ng kopya ng SALN ay ang naghain o kinatawan ng naghain nito, ang korte, at ang mga imbestigador ng Ombudsman.

“The Constitution and the law cannot be trumped by a mere guideline issued by the Ombudsman,” sabi ni de Leon sa panayam sa telebisyon.

Sinabi ni de Leon na dapat suriin ng Kongreso kung nararapat pa si Martires sa kanyang posisyon at kung nagagawa pa nito ang kanyang mandato.

Ang Ombudsman ay isang impeachable officer at tanging ang Kongreso lamang ang makapag-aalis sa kanya sa posisyon.

“It is the mandate of Congress to take a look at how impeachable officials are fulfilling their function. To me this is a form of betrayal of public trust. He is not doing his function as an Ombudsman rather he is acting like the main hindrance for people to be able to promote transparency and accountability to the government,” wika pa ni de Leon.

Inamin naman ni de Leon na maaaring suntok sa buwan na aksyunan ng kasalukuyang Kongreso ang kanyang hiling pero dapat umano itong seryosohin ng susunod na administrasyon.

“If there is a change in administration I think one of the things that must be done is to actually impeach this Ombudsman because he has always consistently been blocking attempts of the public to hold officials accountable,” sabi pa ni de Leon.

Nang tanungin kung maghahain ito ng impeachment complaint sa Kamara de Representantes, sagot ni de Leon “We will do that eventually.”

Sa deliberasyon ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Martires na hindi ito maglalabas ng kopya ng SALN ng kahit na sinong opisyal ng gobyerno kahit pa magresulta ito sa pagkatanggal niya sa posisyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?