75
cellphone
May 4, 2018 @ 12:52
By

Salisi ng cellphone huli sa Greenhills

Hindi nakalusot sa mata ng sekyu ang pananalisi ng cellphone ng isang 28-anyos na lalaki matapos kunin ang cellphone ng isang sales clerk sa isang stall sa Greenhills Shopping Center, kamakalawa ng gabi sa San Juan City.

Nakakulong ngayon sa San Juan detention cell si Ricardo Dela Paz y Infante at nahaharap sa kasong theft matapos magsampa ng reklamo si Hazel Yanzon, sales clerk ng booksale store.

Batay sa report, naganap ang insidente bandang alas-6:20 ng gabi sa loob ng booksale sa ground floor ng Greenhills Shopping Center kung saan abala ang biktima sa pag-aasikaso sa mga kostumer na nagtatanong ng libro.

Napansin umano ng security guard na si Ernie Ricofuerto na kakaiba ang kilos ng suspek na si Dela Paz kaya sinundan nito ng tingin ang suspek at doon na nakita na lumapit ito sa drawer at kinuha ang isang Oppo F5 cellular phone na nagkakahalaga ng P19,000.00 na pag-aari ng biktima.

Nang papalabas na ang suspek ay agad nitong nilapitan at nabawi naman ang cellphone. Dinala ang suspek sa admin office upang sampahan ng reklamo at dinala na sa San Juan Police.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?