quinta-market
By

Salisi Gang umiskor sa Quinta Market

Sharing is caring!

Muli na namang umatake ang mga miyembro ng kilabot na “Salisi Gang” sa Maynila.

Pinakabagong biktima ang isang tindera ng baboy sa Quinta Market na nabiktima ng pitong lalaki na kasapi ng Salisi Gang.

Kuwento ng biktima sa mga pulis-Maynila na nag-imbestiga sa pangyayari, lumapit sa kanya ang isa sa anim na suspek para magpabarya ng P20.

Habang kinakausap aniya siya ng hindi pa nakikilalang salarin ay sumalisi naman ang kasamahan nitong bata.

Sa kuha ng CCTV sa nabanggit na palengke ay kitang-kita ang bata na pumasok sa kanyang puwesto para kunin ang kanyang bag na naglalaman ng halos P100,000.

Matapos isakatuparan ang krimen ay tumalilis ang mga suspek na batay sa kuha sa CCTV ay may iba pa palang kasapakat na nakaabang lang din sa loob ng palengke.

Base sa kuha ng CCTV lumabas sa P. Ducus St. ang mga suspek.

Sa labas ng palengke ay nakuhanan din sila ng CCTV ng Brgy. 306 kung saan sa may bahagi ng C. Palanca St., sumakay ng tricycle ang mga ito.

Pagkababa naman ng tricycle sa bahagi ng Mc. Arthur Bridge ay makikita ang mga suspek na kasama pa rin ang isang bata, doon sa bahagi ng tulay ay may nakaabang naman na isang Mitsubishi Adventure na ginamit nila bilang get-away vehicle.

Base naman sa kuha ng CCTV sa MC Atrthur Bridge ay naplakahan ang ginamit na sasakyan na OUN-424.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?