71
Salesman huli sa paghithit ng marijuana sa loob ng mall
By

Salesman huli sa paghithit ng marijuana sa loob ng mall

Nasorpresa ang isang salesman nang arestuhin ng guwardiya matapos na maaktuhang humihithit ng marijuana sa loob isang mall sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr., ang suspek na si Rodel Naranja, 22, sales associate ng Fisher Mall at residente ng Roque 1 Ext., Brgy. Pasong Tamo.

Batay sa report ni QCPD Masambong Police Station 2, inaresto si Naranja sa aktong humihithit ng marijuana sa loob ng stock room sa department store ng Fisher Mall, na matatagpuan sa No. 42 Gen. Lim, Brgy. Sta Cruz.

Dakong alas-sais ng gabi ng Marso 24 ay nagroronda ang guwardiya ng mall nang maispatan nito ang suspek na naninigarilyo at nang kaniyang sitahin ay nadiskubre niyang marijuana pala ang ginagamit nito.

Agad na binitbit ng guwardiya ang salesman at dinala sa Masambong Police Station.

Nakumpiska sa kaniya ang isang aluminum tube na may bakas ng marijuana, isang improvised plastic tube at lighter.

Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa QCPD detention cell habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?